EU, magbibigay ng dagdag na 200 milyong vaccine doses sa low-income countries
Magdo-donate ang European Union (EU)ng karagdagang 200 milyong Covid-19 vaccine doses, sa low-income countries.
Ang extra doses na inanunsiyo ni European Commission President Ursula von der Leyen, ay bukod pa sa 250 million shots na una nang ipinangako ng EU na ibibigay sa ibang bansa partikular sa mga bansa sa Africa.
Sa kaniyang annual State of the European Union address, inihayag niya sa European parliament . . . “The donation of another 200 million doses to be given until the middle of next year, is an investment in solidarity, and it is an investment also in global health.”
Tanggap niya na may pagkakaiba sa mayayamang mga bansa gaya ng Estados Unidos at Europe, na nakapagbakuna na sa karamihan ng kanilang populasyon laban sa coronavirus, at sa mahihirap na mga bansa na nahihirapang makakuha ng suplay.
Ayon kay von der Leyen . . . “With less than one percent of global doses administered in low income countries, the scale of injustice and the level of urgency is obvious.”
Pinuri naman niya ang vaccination roll-out ng European Union, kung saan 70% ng kanilang adult population ang fully vaccinated na.
Dagdag pa ng opisyal, kumpara sa iba pang rehiyon, mas maraming nagawa ang Europe para makarating sa iba pang mga bansa ang bakuna, at binanggit na kalahati ng 1.4 billion vaccines na ginawa sa kanilang teritoryo, ay ipinamahagi sa ibang bansa.