‘Euphoria’ at ‘Spider-Man’ ni Zendaya, kapwa wagi sa 2022 MTV Awards
Dinomina ni Zendaya ang 2022 MTV Movie and TV Awards nitong Linggo, dahil ibinoto bilang best show at best movie ang kaniyang teen drama na “Euphoria” at ang big-screen superhero blockbuster na “Spider-Man: No Way Home.”
Ang light-hearted awards, na ginanap sa pagsisimula ng summer blockbuster season, ay ibinoto online ng publiko, kung saan nabigyang-diin ang malaking kasikatan ng 25-taong-gulang na dating Disney child star.
Napanalunan ni Zendaya ang best performance in a show para sa “Euphoria” ng HBO, na nagwagi rin ng offbeat awards para sa “best fight” at isang bagong award para sa best on-screen “hookup.”
Ang MTV awards ay matagal nang nagbibigay ng “golden popcorn” statuettes para sa mga kategorya mula sa “best kiss” hanggang sa “most frightened performance.”
Sa pamamagitan ng paghikayat sa fans na bumoto ng maraming beses para sa kanilang mga paborito, kinikilala ng awards ang mainstream at commercial hits na may malaki at devoted social media followings.
Kaya hindi na sorpresa na ang “Spider-Man: No Way Home” na sa ngayon ay pinakamalaking box office hit simula nang magkaroon ng pandemya, ang nagwaging best movie.
Ang pelikula ay kumita ng halos $1.9 billion sa buong mundo, at ikatlong biggest hit para sa domestic theaters.
Ito rin ang nagpanalo bilang best performance in a movie para sa on-screen at rel-life boyfriend ni Zendaya na si Tom Holland, na siyang gumanap sa papel ng superhero — bagama’t wala isa man sa kanilang dalawa na personal na dumalo sa seremonyang ginanap sa Santa Monica, malapit sa Los Angeles.
Samantala, pinagkalooban naman ang A-lister na si Jennifer Lopez ng isang non-competitive “Generation Award.”
Wagi rin si Lopez ng best song, para sa “On My Way (Marry Me),” habang ang 19-anyos na multiple Grammy winner na si Olivia Rodrigo ay nanalo ng best music documentary na “Olivia Rodrigo: driving home 2 u.”
Pinarangalan din si Jack Black ng MTV para sa kaniyang career. Ang 52-anyos ay nagtangka ng isang energetic entrance, kung saan nag-somersault ito sa stage na nakatanggap naman ng cheers sa young audiences.
Nagbiro naman si Daniel Radcliffe, na nanalong best villain para sa adventure comedy na “The Lost City,” na ang kaniyang British accent ang dahilan kaya naging mas evil ang kaniyang dating.
Ayon sa Harry Potter star . . . “This is a universally recognized accent of pure evil. This is a voice that would kick a puppy or not give Oliver Twist more food. I really should thank my parents most for just having the foresight, all those years ago, to have me be British, so that I could grow up sounding naturally evil enough to one day win this award.”
© Agence France-Presse