Europe humihingi ng sagot makaraan ang pagkamatay ni Navalny
Ipinatawag ng ilang gobyerno sa Europe ang Russian diplomats kasunod ng pagkamatay ng Russian opposition leader na si Alexei Navalny.
Sa kaniyang pagbisita sa Argentina ay sinabi ni French Foreign Minister Stephane Sejourne, na ipatatawag ang Russian ambassador sa Paris, habang nagpalabas naman ng pahayag ang foreign ministry ng Norway na ipatatawag nito ang top Russian diplomat upang “kausapin” tungkol sa pagkamatay ni Navalny.
Ayon sa Norway, “In the conversation, Norwegian views will be conveyed about Russian authorities’ responsibility for the death and for facilitating a transparent investigation.”
Dagdag pa nito, ang meeting ay hindi pa nangyayari subalit gagawin din ito kaagad.
Kasunod ito ng mga katulad na anunsiyo nitong Lunes ng Finland, Germany, Lithuania, Spain, Sweden at Netherlands na nagsasabing ipinatawag nila ang diplomats mula sa Russian embassies. Ganito rin ang ginawa ng London noong Biyernes ng gabi.
Ang pagkamatay ni Navalny sa isang liblib na piitan sa Arctic, kung saan nasentensiyahang makulong ng 19 na taon ang 47-anyos makaraan niyang makaligtas sa isang poisoning incident noong 2020 na ibinibintang sa Kremlin, ay inanunsiyo noong Biyernes.
Sinabi ni Sejourne ng France, “The regime of Vladimir Putin has once again shown its true nature.’
Nagkakaisang isinisi ng western countries sa Russian authorities ang pagkamatay ni Navalny, makaraan ang tatlong taon mula nang siya ay masentensiyahan.
Sa kaniyang post sa X, dating Twitter ay nanawagan ang foreign ministry ng Finland sa Russia upang “palayain na ang lahat ng political prisoners” habang kinumpirma na ipinatawag nito ang Russian ambassador nitong Lunes.
Nakasaad naman sa post ni Hanke Bruins Slot, ang foreign affairs minister ng Netherlands, “It is terrible that Alexei Navalny has paid the ultimate price for his fight for a free and democratic Russia. We strongly urge Russia to release Navalny’s body to his family and relatives.”
Nito ring Lunes, ay ipinahayag ni Swedish Foreign Minister Tobias Billstrom na ipinatawag niya ang Russan ambassador, at nanawagan din sa European Union na ikonsidera ang “panibagong sanctions sa rehimen na tinatarget ang internal repression sa Russia.”
Noong Biyernes, sinabi ni Spanish Foreign Minister Jose Manuel Albares, “Madrid ‘demands that the circumstances’ of the death be clarified.”