‘Everything Everywhere,’ napanalunan ang halos lahat ng SAG Awards
Patuloy ang pagdomina ng sci-fi comedy na “Everything Everywhere All At Once,” sa Hollywood award shows nang makuha nito ang top honors mula sa Screen Actors Guild (SAG).
Ang pelikula tungkol sa isang Chinese-American family na sumasailalim sa isang tax audit na kalaunan ay lumaban sa isang supervillain, ang nagbigay ng best actress award para kay Michelle Yeoh, best supporting actor para kay Ke Huy Quan, at best supporting actress para kay Jamie Lee Curtis.
Inagaw naman ng 94-anyos na patriyarka ng pelikula na si James Hong ang atensyon sa ginanap na gala dahil sa kaniyang mga sinabi makaraang kolektahin ang final prize sa gabi ng parangal, ang best cast in a motion picture — na ang katumbas ay best film.
Sa kaniyang pagbabalik-tanaw ay sinabi ni Hong, “Hollywood once cast white actors with “their eyes taped up” to play leading Asian roles because producers thought ‘the Asians are not good enough and they are not box office.’ But look at us now, huh?”
Tinugon naman ito ng masigabong palakpakan ng mga dumalo sa parangal.
Ang “Everything Everywhere” ay nagwagi rin ng best film mula sa grupo ng mga director at producers, kayat ito ang pinakapaboritong manalo para sa Oscars sa susunod na buwan.
Pinagbobotohan ng higit sa 120,000 miyembro ng acting union ng Hollywood, ang SAG awards ay mahalagang “precursor” para sa Academy Awards, na ang pinakamalaking voting bloc ay mga aktor din.
Ang Oscars ngayong taon ay gaganapin sa Marso 12.
Binanggit din ng iba pang mga nanalo mula sa pangunahing Asian cast ng “Everything Everywhere” ang matagal nang “struggle” ng Hollywood sa diversity.
Ayon kay Yeoh, “This isn’t just for me, this is for every little girl who looks like me.”
Si Quan, na unang lumabas nang siya ay bata pa sa “Indiana Jones and the Temple of Doom” noong 1984 ay matagal na nagpahinga sa pag-arte dahil sa napakakaunti ng oportunidad. Siya ang unang Asian actor na nanalo ng best supporting actor award.
Aniya, “When I heard this, I quickly realized that this moment no longer belongs to just me. It also belongs to everyone who has asked for change.”
Samantala, si Brendan Fraser, na nagwagi bilang best lead actor, ang tanging performer na hindi galing sa pelikulang “Everything Everywhere” na nagwagi ng isang movie prize.
Si Fraser, isa sa mga pinakamalaking bituin sa Hollywood noong huling bahagi ng 1990s at unang bahagi ng 2000s na may mga hit tulad ng “The Mummy,” ay nagtiis ng mahabang panahon, bago naging cast bilang isang obese na guro sa “The Whale.”
Sa television sections naman, ang “The White Lotus” ay nanalo ng top drama prize, at ang “Abbott Elementary” ay pinangalanang pinakamahusay na comedy ensemble.
© Agence France-Presse