Ex-Defense Sec. at presidential aspirant Norberto Gonzales, dismayado sa sinasabing pagbago sa kasaysayan ng mga Marcos
Lalabanan ni presidential aspirant at dating Defense Secretary Norberto Gonzales ang sinasabing pagsisinungaling at historical revisionism ng pamilya Marcos.
Aminado si Gonzales na nakalulungkot ang pangyayari na may sumusuporta pa rin sa mga Marcos sa kabila ng 1986 EDSA People Power.
Ito ay sa harap ng pangunguna ni dating Senador Bongbong Marcos sa mga presidential surveys at posibilidad ng pagbabalik ng Marcos sa Malacañang.
Akala aniya ay nahusgahan na ang mga Marcos noong 1986.
Sinabi ni Gonzales na ipauunawa niya sa kabataan ang tunay na pangyayari noong People Power at kung bakit napatalsik sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Hinimok ni Gonzales ang kabataan na huwag maniniwala sa kasinungalingan at fake news.
Nanawagan din ang dating defense chief sa mga aktibista noong panahon ng Martial Law na buhay pa ngayon na kumilos.
Mahalaga aniyang mabatid ng kabataan ang totoong pangyayari noong unang People Power.
Iginiit ni Gonzales na ginamit lamang ni dating pangulong Marcos ang pag-usbong ng komunismo para magdeklara ng Batas Militar at diktadurya.
Si Gonzales ay tumatakbong kandidato sa pagka-pangulo sa ilalim ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas.
Moira Encina