Ex-Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo Jr, pumanaw na sa Bilibid
Pumanaw na sa New Bilibid Prison si dating Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo Jr.
Si Ecleo ay convicted sa mga kasong graft at corruption noong 2006 at parricide noong 2012 dahil sa pagpatay sa asawa.
Ayon kay Bureau of Corrections Spokesperson Gabriel Chaclag, namatay ng 12:20 ng tanghali ng Huwebes si Ecleo sa NBP Hospital dahil sa “cardio pulmonary arrest.”
Ang iba pa aniyang sakit ni Ecleo ay obstructive jaundice at chronic kidney disease secondary to obstructive uropathy.
Sinabi pa ni Chaclag na nagpositibo rin sa COVID-19 si Ecleo pero gumaling na ito mahigit isang linggo na.
Una na ring na-confine sa Sabili General Hospital sa Taguig City si Ecleo noong nakaraang linggo dahil sa liver complications.
Si Ecleo ay naaresto ng mga otoridad noong Hulyo ng nakaraang taon sa Pampanga matapos ang maraming taon na pagtatago.
Sinentensyahan ng hukuman si Ecleo noong 2006 ng 31 taong pagkakabilanggo dahil sa kurapsyon nang ito ay alkalde pa ng San Jose sa Dinagat Islands.
Hinatulan din ng isa pang korte noong 2012 si Ecleo ng lifetime imprisonment dahil sa pagpaslang sa asawa noong 2002 sa Cebu.
Si Ecleo din ang “supreme master” ng grupong Philippine Benevolent Missionaries Association.
Moira Encina