Ex-Mayor Alice Guo, nasa kustodiya na ng Indonesian police matapos maaresto

Nasa kustodiya na ng Indonesian Police si dating Bamban Mayor Alice Guo.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), nahuli ng mga awtoridad si Guo sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia ng 11:58 ng gabi ng Martes, Setyembre 3.

Pero batay naman sa impormasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI), 1:30 ng madaling araw ng Miyerkules nahuli si Guo.

Kaugnay nito, inilabas ng BI ang aktuwal na video at litrato ng pagkakaaresto kay Guo.

Sinabi ng DOJ  na hawak ng pulis si Guo sa Jatanras Mabes Polri.

Tiniyak naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na masusunod ang lahat ng legal proseso para mapanagot si Guo.

Mahigpit din aniya ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Indonesia para masiguro na mapangasiwaan ang lahat ng ligal na hakbangin at makamit ang hustisya.

Sinabi rin ng PAOCC na nakikipag-ugnayan na si Immigration Commissioner Norman Tansingco sa Indonesian Immigration para mapabalik na sa bansa sa lalong madaling panahon si Guo.

Sa hiwalay na pahayag ng BI, naniniwala ito na ang pagkakadakip kay Guo ay magbibigay linaw sa maraming kuwestiyon sa pagtakas nito at magbibigay daan para maharap ni Guo ang mga reklamo laban dito.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang mga awtoridad kung kailan mapapauwi sa bansa si Guo.

Si Guo na sinasabing Chinese National ay itinuturong sangkot sa operasyon ng illegal POGOs sa Bamban, tarlac at Porac, Pampanga.

Nahaharap siya sa mga reklamong human trafficking, money laundering at tax evasion sa Department of Justice (DOJ).

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *