Ex- NTF- ELCAC Spox Lorraine Badoy, pinagkukomento ng SC sa petisyon ng grupo ng mga abogado na ipa-contempt ito
Inatasan ng Korte Suprema si dating NTF- ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy na sagutin ang petisyon ng grupo ng mga abogado na patawan ito ng indirect contempt.
Ito ay kaugnay sa sinasabing pagbabanta ni Badoy sa social media post nito laban kay Manila Regional Trial Court Branch 19 Judge Marlo Magdoza- Malagar na nagbasura sa petisyon ng DOJ na ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA.
Sa abiso ng Supreme Court En Banc, binigyan nito ng 15 araw si Badoy para maghain ng komento.
Sa urgent petition, sinabi ng mga abogado na maaaring patawan ng parusa na indirect contempt si Badoy dahil sa “gravity” at “nature” ng pahayag nito laban sa hukom.
Una na ring nag-isyu ang Supreme Court ng show cause order laban kay Badoy para ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat na i-contempt sa naging pahayag nito sa hukom.
Sinabi rin dati ng SC na ituturing na contempt o paglapastangan sa hukuman ang mga pag-uudyok ng karahasan sa social media na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga hukom at pamilya nito.
Moira Encina