EO on Nationwide Smoking Ban campaign lalagdaan na ni Pang. Duterte ngayong linggo, ayon sa DOH
Matutupad na ang kahilingan ng maraming health advocates na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan na ang Executive Order on Nationwide Smoking Ban campaign.
Ito ay dahil ibinalita ni health secretary Paulyn Ubial na ngayong lingo ay inaasahang lalagdaan na ang naturang executive order na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.
Paliwanag ni Ubial, nagkaroon lamang ng pagkaantala ang paglagda ng Pangulo dahil sa nagkaroon ng konting rebisyon sa orihinal na draft ng nasabing E.O., dahil sa kanilang pag aaral, hindi maaaring ipatupad sa buong bansa ang ilan sa nilalaman ng E.O. na tulad sa pagpapatupad sa Davao City.
Kabilang sa itinuturing na pampublikong lugar ay ang mga parking, istasyon ng bus, at maging sa loob ng sasakyan.
Dagdag pa ni Ubial na kapag nalagdaan na ni Pangulong Duterte ang E.O. ay ipapasa naman ito sa kagawaran ng kalusugan para magsagawa ng implementing rules and regulations o I.R.R.
May lee way o trial period na Labing limang araw bago tuluyang ipatupad ang naturang executive order.
Ulat ni: Anabelle Surara