Executive order para resolbahin ang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila, binabalangkas pa ng Malakanyang
Hindi pa tapos ng Malakanyang ang Executive Order na magbinigay daan para tuluyan ng maresolba ang problema sa supply ng tubig sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung hindi ngayong linggo ay sa susunod na linggo mailalabas ng Office of the President ang Executive Order.
Ayon kay Panelo mukhang tumutugon naman ang mga stakeholders matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa lalong madaling panahon ay maibalik sa normal ang supply ng tubig sa mga siniserbisyuhan ng Manila Water.
Inihayag ni Panelo na sa ngayon ay nasa 90 porsyento ng naibalik ang supply ng tubig sa mga customers ng Manila Water.
Iginiit ni Panelo na lalong tumibay ang paniniwala ng Malakanyang na artificial lamang ang water supply shortage ng Manila Water matapos mapatunayan sa pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagkaroon talaga ng pagkukulang ang Manila Water maging ang mga opisyal ng water regulatory agency sa pangunguna ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.
Samantala ibinasura naman ng Malakanyang ang panukalang lumikha ng Department of Water na mangangasiwa sa water distribution at management sa bansa.
Ulat ni Vic Somintac