Executive Secretary Bersamin nanawagan sa mga Pinoy na idipensa at ipreserba ang kasarinlan ng Pilipinas
Dapat na idipensa at ipreserba ang kasarinlan ng bansa.
Ito ang panawagan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa mga Pilipino sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng deklarasyon ng Araw ng kalayaan sa Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
Ayon kay Bersamin, hindi dapat mawala ang kalayaan ng bansa.
Mapalad aniya ang Pilipinas dahil malaya at may soberenya ito.
Sinabi ni Bersamin na mahalaga ang kalayaan sa pag-iral ng isang nasyon dahil kung wala nito ay wala itong pagkakakilanlan at walang laya para umusad.
Dapat aniyang humimok sa mga Pinoy ang selebrasyon ngayong Lunes na balikan ang nakaraan at kilalanin ang mga sakripisyo ng mga unang bayani para makalaya ang bansa mula sa mga dayuhang mananakop.
Hinimok pa ni Bersamin ang mga Pilipino na pahalagahan at huwag maliitin ang pagtataas ng watawat at pag awit ng Pambansang Awit dahil mga simbolo ang watawat at national anthem ng pag asa at pagkakaisa ng mga Pilipino.
Moira Encina