Extradition request ng Pilipinas kay dating Cong. Arnie Teves, ibinasura ng Court of Appeals ng Timor Leste matapos paboran sa naunang dalawang ruling –DOJ

Ibinasura ng Court of Appeals ng Timor- Leste ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas kay dating Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Ito ang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ), bagama’t wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng desisyon ng korte ng Timor- Leste noong December 2, 2024.

Dating Cong. Arnie Teves
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkagulat at pagkadismaya ang DOJ sa pagbaligtad ng Timor Leste sa naunang dalawang ruling nito noong Hunyo at Disyembre ng nakaraang taon na pumayag sa extradition request ng Pilipinas.
Tiniyak naman ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na hindi titigil ang departamento at aaralin nito ang lahat ng legal na remedyo para makamit ang hustisya at mapanagot si Teves sa mga krimen na inaakusa laban dito.

DOJ Spokesperson Mico Clavano
Si Teves ay nahaharap sa mga patung-patong na kaso gaya ng multiple murder kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ilan pang katao sa bahay nito noong 2023 sa Pamplona.
Moira Cruz