Face-to-face classes ngayong taon, malabo pa – IATF
Hindi pa magkapagsasagawa ng face to face classes ngayong taon.
Sinabi ni National Task Force o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, hanggat hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 ang mga menor de edad malabo pa na magkaroon ng face to face classes sa elementarya at high school.
Ayon kay Galvez, posibleng sa huling quarter pa ng taon mababakunahan ang tinatayang nasa 30 milyong mga menor de edad.
Inihayag ni Galvez na sa ngayon ay Pfizer COVID 19 vaccine pa lamang ang mayroong pahintulot na maaaring magamit sa mga nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang samantalang ang Sinovac ng China na sinasabing maaaring gamitin sa mga nasa 3 hanggang 17 taong gulang ay kasalukuyan pang pinag-aaralan.
Niliwanag ni Galvez nakadepende parin sa pagdating ng mga anti COVID 19 vaccine sa bansa ang bilis ng rollout ng mass vaccination program ng pamahalaan.
Vic Somintac