Facebook, nagpalit na ng pangalan
Opisyal nang inanunsiyo ni Mark Zuckerberg ang pagpapalit ng pangalan ng kumpanyang Facebook.
Sa Connect 2021 virtual event ay sinabi ni Mark Zuckerberg na ang kumpanyang Facebook ay tatawagin na ngayong Meta, subalit mananatili ang mga pangalan ng mga social media platforms na nasa ilalim nito na kinabibilangan ng Facebook, Instagram at WhatsApp.
Ayon kay Zuckerberg, kasabay ng rebranding ng kumpanyang Facebook ay ang pag-abot sa pangarap na maging malapit sa totoong buhay ang maging karanasan ng mga tao kapag gumagamit sila ng internet.
Nais ni Zuckerberg na maramdaman ng mga Meta users na totoong naroroon sila sa mga lugar na gusto nilang puntahan maging ito man ay para dumalo sa anumang okasyon, pagpupulong, o kahit pamamasyal, at hindi tulad ng kasalukuyang karanasan na nakatitig lamang ang users sa screen ng computer.