Facebook, nagpaplanong magpalit ng pangalan
Plano ng Facebook na magpalit ng pangalan sa susunod na linggo, upang mapagtuunan ng pansin ng kompanya ang paglikha ng metaverse.
Ayon sa report, ang ipapalit na pangalan na hindi pa inihahayag ay tatalakayin ng CEO na si Mark Zuckerberg sa gaganaping annual Connect conference sa October 28.
Nais kasi ng grupo na makilala nang higit pa sa pagiging isang social media site.
Sinasabing bahagi ng plano na ipailalim ang Facebook sa isang parent company, at maging kapareha na lamang ng ibang produkto gaya ng Instagram, WhatsApp, Oculus, at iba pa.
Ayon kay Zuckerberg . . . “We will effectively transition from people seeing us as primarily being a social media company to being a metaverse company.”
Layon ng hakbang na ito na maihiwalay ang Facebook na sa ngayon ay iniimbestigahan sa US, dahil sa operasyon nito at sa ibinulgar ng whistleblower na si Frances Haugen.
Matatandaan na ginawa na ito ng Google noong 2015, kung saan ang search engine ay ipinailalim sa Alphabet company. (AFP)