Fact-finding report sa mga guro sa Cavite na idinadawit sa sexual harassment, isusumite sa regional office ng DepEd sa Biyernes
Maaaring maharap sa parusang dismissal ang pitong guro mula sa Bacoor, Cavite na isinasangkot sa sexual harassment.
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) na si Atty. Michael Poa, sa Biyernes inaasahan na isusumite sa regional office ng kagawaran ang fact-finding report sa isyu.
Aniya mula sa nasabing report ay dideterminahin ng Deped ang mga susunod na hakbang at administrative proceedings na ipapataw laban sa mga guro.
Sinabi ni Poa na ang pagkakatanggal sa puwesto ang pinakamabigat na parusang administratibo na puwedeng ipataw ng DepEd sa respondents.
Inamin ni Poa na bagamat ongoing ang imbestigasyon sa isyu, ang problema ay walang gaanong complainant na naghahain ng kanilang salaysay.
Nanawagan naman ang opisyal na tulungan ang DepEd para mahimok ang mga sinasabing biktima na magsumite ng affidavits para mapalakas ang kaso kung mayroon man laban sa mga guro.
Nag-ugat ang isyu sa viral Twitter thread ukol sa sinasabing karanasan ng mga mag-aaral sa isang high school sa Bacoor.
Sinabi ni Poa na inatasan na ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na palakasin ng mga itinalagang Child Protection Unit ang kanilang presensya at programa sa mga paaralan.
Moira Encina