Faeldon, iba pang opisyal ng BOC at mga pribadong indibidwal inirerekomendang makasuhan ng Kamara kaugnay ng nakalusot na P6.4B shabu
Tinukoy na ni House Dangerous Drugs Committee Chair Rep. Robert Ace Barbers ang mga irerekomendang kasuhan ng kanyang komite kaugnay sa pinalusot na P6.4B shabu sa Bureau of Customs.
Ayon kay Barbers kabilang sa pasasampahan nila ng kasong kriminal at administratibo sina Customs Commissioner Nicanor Faeldon, Director Neil Estrella, Director Milo Maestrecampo, Deputy Commissioner Gerardo Gambala at iba pang hindi muna pinangalanan ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na inaalam pa nila ang mga kasong maaaring isampa sa iba pang opisyal ng Adwana tulad ng District Collector ng Manila International Container Port kung saan lumusot ang kontrabando.
Bukod sa mga taga Customs mahaharap naman sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165 may kinalaman sa drug trafficking,importation at iba pang kaso sa may-ari ng kargamento na si Richard Tan o Richard Chen, Manny Lee, Kenneth Dong, mga broker na sina Mark Taguba, Teejay Marcellana at iba pang hindi pinangalanan ni Barbers.
Maging ang consignee for hire na si Eirene Mae Tatad ay kasama rin sa pakakasuhan ng komite ni Barbers pero isinasapinal pa ang magiging kaso nito.
Sa ngayon ayon sa mambabatas ay limampung porsyento ng tapos ang committee report.
Pipilitin aniya nilang matapos ito sa susunod na linggo at mapa aprubahan sa mga miyembro ng komite bago iaakyat sa plenaryo ng Kamara.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo