Family card ipinamahagi sa mga pamilyang nasunugan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila
Sinimulan na ng Manila Social Welfare Department ang pamamahagi ng family card sa mga naapektuhan ng sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Social Welfare Officer 2 Ella Mariz Canales, layon nito na maberepika ang bilang ng mga apektadong pamilya na pagkakalooban ng tulong.
Tiniyak naman ni Canales na tuluy-tuloy ang tulong ng pamahalaang lungsod sa mga nasunugan gaya ng pagkain.
Kabilang aniya sa matatanggap ng mga biktima ay P10,000 na tulong pinansiyal mula sa Manila City LGU.
Inihayag naman ni Barangay 20 Zone Chair Anthony Igus na ito ang unang pagkakataon ngayong 2024 na nagkaroon ng sunog sa lugar partikular sa Purok 3, 4 at 5.
Sinabi ni Igus na wala namang nasugatan o namatay sa insidente.
Sa ngayon aniya ay wala pang impormasyon kung ano ang sanhi ng sunog na umabot sa Task Force Alpha.
Pansamantalang nananatili sa Delpan Evacuation Center ang karamihan sa mga nasunugan.
Tiniyak ni Igus na may suplay ng tubig sa evacuation center at may mga industrial fan para maibsan ang epekto ng matinding init.
Sa pagtaya ng Barangay Chairman, maaaring umabot ng dalawang linggo bago makaalis sa evacuation center ang mga apektadong residente.
Moira Encina