Fans ni Messi makatatanggap ng 50 percent refund para sa Hong Kong fiasco
Makatatanggap ng 50 percent refund ang fans na nagbayad upang manood ng laro ni Lionel Messi sa Hong Kong subalit nabigo dahil sa hindi naglaro ang football star, sa kondisyon na hindi sila maglulunsad ng legal na aksiyon.
Gumugol ng 880 Hong Kong dollars ($110) ang mga nais na makapanood ng laro ng eight-time Ballon d’Or winner sa Hong Kong, sa isang tour match sa pagitan ng Inter Miami at XI, ang koponan na pinili ng Hong Kong.
Ngunit ang 36-anyos ay hindi naglaro kundi namalagi lamang na nakaupo sa bench dahil sa isang injury, na nagbunsod upang batikusin at i-boo siya ng mga tao. Itinuring naman ito ng China na isang political snub.
Nitong Lunes ay nag-alok ang organizer na Tatler Asia ng 50-percent refund para sa mga “bumili ng tiket sa pamamagitan ng official channels.”
Ayon sa organizer, “Those who want some of their money back will have to agree to terms and conditions that include not pursuing proceedings before any court of law, tribunal (or) regulatory authority.”
Matapos mabatikos sa paghawak nito sa nangyari, ay binawi ng Tatler ang aplikasyon nito para sa HK$16 million government grant upang pondohan ang event isang araw pagkatapos ng match.
Pagkatapos sa Hong Kong ay sa Japan sunod na naglaro ang Inter Miami, kung saan si Messi ay lumahok sa isang 30-minutong friendly match laban sa Vissel Kobe sa Tokyo, na ikinagalit ng Chinese fans.