‘Fantastic Beasts: The Secrets of Dumbledore’ trailer, ipinalabas ng Warner Bros.
Ipinasilip na ng Warner Bros. ang bago nilang pelikulang ‘Fantastic Beasts: The Secrets of Dumbledore.’
Ipinalabas na ng studio nitong Lunes ang isang final trailer para sa pelikula, na kinatatampukan ni Jude Law bilang si Albus Dumbledore, at Mads Mikkelsen bilang si Gellert Grindelwald.
Makikita sa preview ang paghaharap ng dating magkaibigang si Dumbledore (Law) at Grindelwald (Mikkelsen), matapos magdeklara ni Grindelwald ng giyera laban sa mga tao na kilala bilang Muggles.
Ayon sa official description . . . “Unable to stop him alone, [Dumbledore] entrusts Magizoologist Newt Scamander (Eddie Redmayne) to lead an intrepid team of wizards, witches and one brave Muggle baker on a dangerous mission, where they encounter old and new beasts and clash with Grindelwald’s growing legion of followers.”
Nagpalabas din ng isang trailer ng pelikula ang Warner Bros. noong Pebrero, na nagpapakita naman kay Grindewald habang sinasabi nito kay Dumbledore na susunugin niya ang mundo ng mga tao.
Ang The Secrets of Dumbledore ang ikatlong pelikula sa Fantastic Beasts franchise. Base ito sa libro ni J.K. Rowling na Fantastic Beasts and Where to Find Them at nangyari sa Harry Potter universe.
Si Redmayne ay dumalo sa The Secrets of Dumbledore New York premier noong isang linggo. Tampok din sa pelikula sina Ezra Miller, Dan Fogler, Alison Sudol, Callum Turner, Jessica Williams at Katherine Waterston.
Ang Fantastic Beasts: The Secrets of Dumbledore ay ipalalabas sa mga sinehan sa Biyernes (Sabado sa Maynila).