FDA nagbabala laban sa pekeng Pfizer COVID-19 vaccines
Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pekeng BNT162b2 COVID-19 vaccine na sinasabing ang manufacturer ay Pfizer BioNtech.
Ayon sa FDA, naglabas na rin ng Medical Product Alert ang World Health Organization (WHO) laban sa nasabing bakuna na una nang natukoy sa Mexico noong Pebrero.
Matapos berepikahin ng WHO sa manufacturer, napatunayan na peke ang nasabing bakuna.
Sa abiso ng FDA, sinabi na sa vial ng pekeng bakuna na ito ay makikitang nakasulat ang BNT162b2 habang sa baba ay ang logo ng Pfizer BioNtech.
Sa kabilang gilid naman ay makikita ang lot number na 783201 at expiration date na August 24.
Inihayag ng Pfizer BioNtech na hindi nila gawa ang nasabing bakuna.
Sa glass vial at label pa lamang daw ay makikita na ang pagkakaiba nito mula sa authentic COVID-19 vaccine BNT162b2 vials.
Bagamat wala pa namang nakikitang mga pekeng bakuna sa bansa, mahigpit pa rin ang paalala ng FDA sa publiko na maging mapagmatyag.
Hinikayat naman ng FDA ang mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag at tiyaking walang makakalusot na pekeng covid 19 vaccine sa kanilang lugar.
Madelyn Moratillo