FDA, tiniyak na epektibo pa rin ang mga bakuna laban sa malalang sintomas o pagkamatay dahil sa COVID-19
Sa kabila ng presensya ng Delta variant, nananatiling epektibo ang mga bakuna laban sa malalang sintomas o pagkamatay dahil sa Covid-19.
Aminado si Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na dahil sa Delta variant ay nabawasan ang proteksyon na naibibigay ng Covid-19 vaccine.
Pero ito aniya ay para sa symptomatic disease lang.
Isang patunay na epektibo ang mga bakuna aniya ay ang nangyari sa Philippine General Hospital na isa ring Covid 19 referral Hospital, kung saan may 21 kaso ng Delta variant ang natukoy.
Sa 21 na ito aniya, 15 ang mild cases, 1 ang asymptomatic, 1 ang moderate, 2 ang severe at 2 ang critical.
Ang 5 sa kanila na mga healthcare worker ay bakunado na kontra Covid-19, habang ang 16 pasyente naman ay hindi pa fully vaccinated.
Ayon kay Domingo, sa 21 Delta cases na naitala sa PGH, 2 ang nasawi.
Ang isa rito ay nakatanggap ng isang dose palang ng bakuna, habang ang isa hindi pa nababakunahan.
Ang 19 naman sa kanila nakarekober na, 5 sa kanila ang vaccinated na habang 14 ang hindi pa bakunado.
Sa datos ng Department of Health, sa kabuuan may 216 Delta variant cases ang naitala sa bansa.
Sa bilang na ito, 17 ang aktibong kaso, 9 ang nasawi habang nakarekober naman na ang iba pa.
Madz Moratillo