Field registration centers itatatag ng DFA at Comelec para sa overseas voters
Magkakaroon ng field registration centers para sa overseas voters sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, lumagda ang DFA Overseas Voting Secretariat (OVS) at ang COMELEC ng memorandum of agreement (MOA) para sa pagtatag ng local field registration centers para sa mga botante abroad sa DFA.
Ilalagay ang registration centers sa consular offices sa ASEANA at NCR Central (Robinsons Galleria).
Sa nasabing centers ay maaaring magrehistro bilang overseas voters ang mga Pilipino na magtutungo sa ibang bansa.
Ito ay para makaboto ang mga ito sa bansa na kanilang pupuntahan sa 2025 national elections.
Nagsimula ang continuing registration para overseas voting sa 2025 elections noong Disyembre ng nakaraang taon at magtatapos sa Setyembre 30, 2024.
Moira Encina