Filipino-Chinese community at China nag-donate ng mga bigas at relief goods para sa mga biktima ng bagyong Odette
Nagkaloob ang China at Filipino-Chinese community ng relief food items at bigas para sa mga sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) Pres. Dr. Henry Lim Bon Liong, nag-donate ang Filipino- Chinese community ng Php12 milyong halaga ng relief goods.
Ang nasabing donasyon ay mula sa 11 major Filipino- Chinese business, civic at cultural organizations.
Tig- 10,000 relief packs ang inilaan para sa Bohol; Cebu; at Negros Occidental (Hinigaran, Kabankalan, La Carlota, Sipalay, Hinupaan, Himamaylan and other areas); 5,000 relief packs para sa Southern Leyte at Western Samar; tig 2,500 relief packs para sa Negros Oriental at Surigao province; 300 relief packs para sa Surigao City; at 200 relief packs para Cagayan de Oro City.
Nagkakahalaga ang bawat isang relief pack ng Php400 na naglalaman ng bigas, canned sardines, at instant noodles.
Maliban dito magbibigay din aniya ang China ng 3.2 milyong kilo ng bìgas na nasa ports of Manila at Cebu na nagkakahalaga ng Php128 million.
Inanunsyo rin ni Liong na nagkaloob din ng Php8 million halaga ng food supplies si China Ambassador Huang Xilian.
Moira Encina