Final offer ng mga studio, hindi sasang-ayunan ng actor’s union
Inihayag ng unyon na kumakatawan sa mga nagwewelgang artista, na hindi sila maaaring sumang-ayon sa “last, best and final offer” ng mga studio na inisyu nitong weekend, sa pagtatangkang tapusin ang ilang buwan nang welga na ikinalugi na ng Hollywood.
Pinag-iisipan ng mga negosyador para sa Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) ang panukala mula pa noong Sabado, habang sinisikap ng mga studio na matigil na ang welga na apat na buwan nang nagpahinto sa produksyon ng TV at pelikula.
Sa isang pahayag sa kanilang mga miyembro na nai-post sa social media nitong Lunes, sinabi ng komite na determinado silang “responsableng” wakasan ang 116-araw nang welga, ngunit hindi pa nakahahanap ng “common ground” sa mga kumakatawan sa Disney, Netflix, Warner, Universal, Paramount at Sony.
Batay sa pahayag, “There are several essential items on which we still do not have an agreement, including (Artificial Intelligence). We will keep you informed as events unfold.”
Nagkakaroon na ng pressure para sa isang kasunduan. Ang mga walang trabahong aktor ay nahihirapan na, at ang mga studio ay nahaharap na sa malaking problema sa kanilang mga iskedyul ng pagpapalabas para sa susunod na taon at higit pa.
Ang mga pag-uusap upang makabuo na ng isang kasunduan sa nakaraang araw, ay dinaluhan ng mga CEO ng studio, na binibigyang-diin ang pangangailangan na agad nang wakasan ang krisis.
Ang SAG-AFTRA ay kumakatawan sa may 160,000 performers. Ang mga aktor na nasa ilalim ng tinatawag na “Hollywood upper echelons” ay nagsabing halos imposible nang kumita para magkaroon ng disenteng pamumuhay, dahil nabigo ang matagal nang ‘pay structures’ na makaagapay sa inflation at mga pagbabago sa industriya.
Partikular dito ay ang pagdami ng streaming platforms, na tipikal na kumukuha ng mas kakauntng episode kada serye at nagbabayad ng minimal ‘residuals’ kapag ang isang hit show ay muling pinanood o nagkaroon ng ‘rewatch’ na lubha namang nakaapekto sa kita ng mga artista.
Subalit ang naging ‘sticking point’ ay ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI), partikular dahil sa ang image na kamukha ng isang artista ay maaaring magamit pa sa mahabang panahon matapos mag-shoot ng isang role ang isang partikular na artista.
Ang mga studio, na naantala na ang pagpapalabas ng mga pangunahing pelikula tulad ng “Dune: Part Two” at ang susunod na “Mission: Impossible” installment, ay sabik na muling simulan ang mga produksyon sa mga hit na palabas tulad ng “Stranger Things” sa tamang oras para sa susunod na taon.
Sinabi ni Netflix co-CEO Ted Sarandos, na nagpapatuloy pa ang mga negosasyon.
Aniya, “We’re at the table and we’re working really hard to get it done. I feel like we’re really close. But you know, these are complicated deals and we’re navigating tricky waters. Our goal is we want to get folks back to work.”
Nang magwelga ang SAG-AFTRA sa kalagitnaan ng July, ang Hollywood writers ay nagwe-welga na rin noon.
Ito ang unang pagkakataon na ang dalawang unyon ay magkasamang nag-aklas mula noong 1960, nang pangunahan ng aktor (na naging pangulo ng Amerika) na si Ronald Reagan ang mga protesta.
Ngunit ang mga manunulat ay nagkaroon na ng kasunduan sa mga studio noong Setyembre. Pagkatapos ay sinundan naman ito ng isang ‘High-level’ talks sa pagitan ng mga studio at mga artista.
Sa pangkalahatan, ang paghinto ng mga produksiyon dahil sa welga ay ikinalugi na ng Hollywood ng tinatayang hindi bababa sa $6.5 billion.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng punong negosyador ng SAG-AFTRA na si Duncan Crabtree-Ireland sa mga miyembro, na siya ay “optimistiko pero maingat” pagkatapos na magkaroon ng kompromiso sa magkabilang panig tungkol sa hinihiling na minimum na suweldo, at isang istraktura ng bonus para sa mga bida ng palabas sa TV o pelikula na naging isang hit.
Sa mga nakaraang pag-uusap, nag-alok ang mga studio na lumikha ng mahigpit na mga proteksyon na nangangailangan ng pahintulot at kabayaran para sa AI, ngunit argumento ng mga unyon, hindi ito sapat.