Final testing and sealing ng VCM,sinimulan na ng COMELEC
Sinimulan na ng Commission on Elections ang pagsasagawa ng Final Testing and Sealing ng vote counting machines na idineliver sa iba’t ibang polling center.
Sa San Juan Elementary School, personal na sinaksihan ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan ang ginawang Final Testing and Sealing ng Vote Counting Machines.
May 22 VCM ang nakadeploy sa nasabing eskwelahan kung saan matapos madala ang mga makina sa bawat presinto, isa- isang ininspeksyon ng mga miyembro ng electoral board ang laman ng kahon.
Pagkatapos i-set up ang VCM at ballot box, nag- imprenta sila ng resibo mula sa makina kung saan ang nakalagay ay zero.
Ibig sabihin walang laman ang VCM at maging yung memory card na nakakabit rito.
Matapos ito, nagkaroon ng mock elections gamit ang 10 balota na nakalaan talaga para sa FTS.
Layon nitong masiguro na ang mga balota ay babasahin ng makina.
Pagkatapos ng mock polls, nag- imprenta naman ng mga election return at pagkatapos, sinelyuhan na ang mga VCM.
Matapos ang final testing ang sealing ang mga VCM ay ilalagay ulit sa isang kwarto kung saan may mga nakatalagang pulis at watcher na magbabantay sa mga ito at muli lang silang bubuksan sa araw ng halalan.
Ayon kay Comelec Chairman Pangarungan, malaking bagay ang mga ganitong aktibidad para masiguro ang kumpyansa ng mga botante sa gagawing halalan.
Ayon sa Comelec nasa halos 100 porsyento na raw nilang naideliver ang lahat ng VCM sa mga presinto.
Samantala, patuloy parin ang pagdating ng accomplished ballots mula sa mga bumoto para sa Local Absentee Voting sa Palacio del Gobernador sa Maynila.
Ayon sa Comelec, nasa 17,197 accomplished ballots na ang kanilang natanggap.
Ang mga balota mula sa LAV ay itatabi muna at saka ito bibilangin sa gabi ng May 9.
Madelyn Villar-Moratillo