Financial Assistance sa NCR sa panahon ng ECQ tig-iisang libo lang – Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na bibigyan ng financial assistance mula sa gobyerno ang mga indibidwal na maaapektuhan ng ipapatupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila na magsisimula sa August 6 hanggang August 20.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ginagawan ng paraan ng Department of Budget and Management o DBM ang pondong gagamitin sa pagbibigay ng financial assistance.
Ayon kay Roque tig-iisang libo ang ibibigay na financial assistance sa bawat indibidwal at hindi lalagpas ng apat na libo sa bawat sambahayan.
Inihayag ni Roque, hindi agad ipinatupad ang ECQ sa Metro Manila bagkus mayroong isang linggong palugit na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ with heightened restriction ang National Capital Region o NCR upang makapaghanda ang mga apektadong residente ganun din ang gobyerno para makahanap ng pondo na ibibigay na financial assistance.
Niliwanag ni Roque na isang mabigat na desisyon sa panig ng pamahalaan ang muling pagsasailalim sa NCR sa ECQ dahil apektado na naman ang buhay at kabuhayan ng bansa at mamamayan subalit kailangan itong gawin para makontrol ang pagkalat ng Delta variant ng COVID 19 na higit na nakakahawa at nakamamatay.
Vic Somintac