Finland, napanatili ang titulo bilang “pinakamasayang bansa” sa ikapitong sunod na taon
Nanatili ang Finland bilang pinakamasayang bansa sa buong mundo sa ikapitong sunod na taon, sa taunang World Happiness Report na ini-sponsor ng UN at inilathala ngayong Miyerkoles.
Napanatili rin ng Nordic countries ang kanilang puwesto sa sampung pinakamasayahin, kasama rito ang Denmark, Iceland at Sweden na kasunod ng Finland.
Ang Afghanistan na dumanas ng isang humanitarian catastrophe mula nang mabawi ng Taliban ang kontrol noong 2020, ay namalagi sa ilalim ng 143 mga bansang na-survey.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman mula nang mailathala ang ulat mahigit isang dekada na ang nakararaan, ang Estados Unidos at Germany ay hindi nakabilang sa 20 pinakamasayang bansa, kundi nasa ika-dalawampu’t tatlo at ika-dalawampu’t apat batay sa pagkakasunod-sunod.
Kabaligtaran naman nito, ang Costa Rica at Kuwait ay nakapasok sa top 20, sa ika-labingdalawa at ika-labingtatlong puwesto.
Binanggit sa ulat na hindi na kasama sa pinakamasayang bansa ang alinman sa mga pinakamalaking bansa sa mundo.
Nakasaad sa ulat, “In the top 10 countries only the Netherlands and Australia have populations over 15 million. In the whole of the top 20, only Canada and the UK have populations over 30 million.”
Ang pinakamabilis na pagbaba ng kasayahan mula noong 2006-10 ay napansin sa Afghanistan, Lebanon at Jordan, habang ang mga bansa sa Silangang Europa na Serbia, Bulgaria at Latvia ay nag-ulat ng pinakamalaking pagtaas.
Ang happiness ranking ay batay sa self-assessed evaluations ng mga indibidwal sa kasiyahan sa buhay, gayundin ang GDP per capita, social support, healthy life expectancy, kalayaan, kabutihang-loob at katiwalian o korapsiyon.
Sinabi ni Jennifer De Paola, isang happiness researcher sa University of Helsinki sa Finland, “Finns’ close connection to nature and healthy work-life balance were key contributors to their life satisfaction.”
Aniya, “Finns may have a ‘more attainable understanding of what a successful life is,’ compared to for example the United States where success is often equated with financial gain.”
Dagdag pa niya, “Finns’ strong welfare society, trust in state authorities, low levels of corruption and free healthcare and education were also key. Finnish society is permeated by a sense of trust, freedom, and high level of autonomy.”
Samantala, natuklasan din sa report ngayong taon na ang mas batang henerasyon ay higit na masaya sa mas nakararaming rehiyon sa mundo, bagama’t hindi naman lahat.
Sa North America, Australia at New Zealand, ang kasayahan sa kalipunan ng grupong wala pang trenta anyos ay malaki ang ibinagsak mula 2006-10, kung saan ang ‘older generations’ ngayon ay mas masaya kaysa mas batang henerasyon.
Sa kabaligtaran, sa Central at Eastern Europe, ang kaligayahan ay tumaas nang malaki sa lahat ng edad sa parehong panahon, habang sa Kanlurang Europa ang mga tao sa lahat ng edad ay nag-ulat ng magkatulad na antas ng kaligayahan.
Ang hindi pagkakapantay-pantay ng kaligayahan ay tumaas sa bawat rehiyon maliban sa Europa, na inilarawan ng mga may-akda bilang isang “worrying trend.”
Ayon sa mga may-akda, ang pagtaas ay partikular na kapansin-pansin sa kalipunan ng mga nakatatanda at sa Sub-Saharan Africa, na sumasalamin sa mga hindi pagkakapantay-pantay sa “kita, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, pagtanggap ng lipunan, tiwala, at pagkakaroon ng supportive social environments sa family, community at national levels.”