“First-of-its-kind” trade mission, ipadadala ni Pres. Biden sa Pilipinas
Ipadadala sa Pilipinas ni US President Joe Biden ang “first of its kind” presidential trade and investment mission.
Ginawa ni President Biden ang anunsyo kasunod ng bilateral meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Oval Office sa White House.
Binigyang-diin ni Biden ang matibay na partnership sa pagitan ng Maynila at Washington, gayundin ang malalim na pagkakaibigan na pinalago pa ng milyun-milyong Filipino-Americans at Filipino communities sa buong Estados Unidos.
Nangako din ang US leader na palalakasin ang suporta ng Amerika sa maraming usapin, kabilang ang climate change mitigation at ekonomiya ng PIlipinas.
“We’re tackling climate change, we’re accelerating our countries’ chances… and we’re standing up for our shared democratic values and workers’ rights… and together we’re deepening our economic cooperation,” sinabi ni Biden kay Pangulong Marcos.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay President Biden sa suporta ng Amerika, kasabay ng hiling na mapalakas ang alyansa at pagtutulungan sa harap ng bagong ekonomiya na hinaharap sa pagtatapos ng pandemya ng COVID-19.
Kasama rin sa natalakay ng dalawang lider sa Oval Office meeting ang usapin ng seguridad, edukasyon, at iba pang inisyatiba na bahagi ng 5-day official visit ni Pangulong Marcos sa Washington D.C.
Nagsagawa rin ng expanded bilateral meetings sina Marcos at Biden sa Philippine at US cabinet officials.
Kabilang sa mga dumalo sa expanded bilateral meeting sina National Security Adviser Eduardo Ano; Defense Secretary Carlito Galvez Jr.; Environment and Natural Resources Secretary Antonia Yulo Loyzaga; Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual; Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy; Justice Secretary Jesus Crisoin Remulla; Migrant Workers Department Secretary Maria Susana “Toots” Ople at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Weng dela Fuente