Flight ban aalisin na ng Hong Kong mula sa siyam na mga bansa sa Abril
Inihayag ng gobyerno ng Hong Kong, na handa na itong muling ibalik ang international flights mula Estados Unidos, Britanya at pitong iba pang mga bansa, nang i-anunsiyo nito ang pagluluwag sa ilan sa pinakamahigpit na Covid-19 restrictions.
Nahirapan ang finance hub na panatilihin ang zero-Covid policy ng China sa panahon ng Omicron-fuelled outbreak.
Matapos magdulot ng bagong bugso ng mga kaso ang lubhang nakahahawang Omicron variant noong Enero, agad na nagpatupad ang mga awtoridad ng flight bans mula sa walong mga bansang itinuturing na mataas ang panganib, ito ay ang Estados Unidos, Britain, France at India – at noong Pebrero ay nagdagdag ng ikasiyam, ang Nepal.
Subali’t ang mga impeksiyon ay mabilis na dumami, kung saan nakapagtala ang Hong Kong ng higit sa isang milyong kaso at pagkamatay na umabot sa 5,600 na ang karamihan ay mula sa populasyon ng mga matatanda na hindi pa nabakunahan.
Nitong Lunes ay sinabi ni Carrie Lam, chief executive ng Hong Kong na simula sa Abril a-uno ay aalisin na ang flight bans na ibinibilang na “circuit-breaker” — para sa siyam na mga bansa.
Ayon kay Lam . . . “The circuit-breaker … is inopportune now. The epidemic situations in those countries are not worse than Hong Kong’s, and most arrivals did not have serious symptoms. To extend the circuit-breaker will add to concerns and anxieties of Hong Kong residents stranded there.”
Ibababa na rin sa pitong araw ang quarantine period para sa mga bakunado, kung saan mananatili sila sa isang designated hotel na susundan ng pitong araw na at-home monitoring. Hindi naman binanggit ni Lam ang petsa kung kailan ito ipatutupad.
Sa ngayon, ang Hong Kong residents na umuuwi mula sa ibang lugar ay sumasailalim sa dalawang linggong quarantine sa mamahaling mga hotel.
Inanunsiyo rin ni Lam ns simula sa April 19, ang kindergartens, primary schools at international schools ay magre-resume na ng in-person teaching.
Simula naman sa April 21, ang mga restaurant ay maaari nang manatiling bukas makalipas ang ala-6:00 ng gabi para sa dine-in services — na sa ngayon ay naka-ban — habang ang public gatherings ay puwede nang hanggang apat na tao, di gaya ngayon na hanggang dalawa lamang.
Ang administrasyon ni Lam ay pinipintasan sa paghawak nito sa krisis ng Covid-19, na tinawag ng mga kritiko na hindi handa sa kabila ng dalawang taong pagbibigay niya ng “breathing room” dahil sa mababa namang bilang ng mga kaso, hanggang sa tumama ang Omicron noong Enero na naging sanhi upang umapaw ang mga pasyente sa mga ospital, at mapuno ang mga morge na nagbunga ng kakulangan sa kabaong nitong nakalipas na linggo.
Sa kasalukuyan, ang Hong Kong ang may pinakamataas na death rate mula sa Covid sa mauunlad na mga bansa.
Ang hindi malinaw na mensaheng pampubliko ng gobyerno tungkol sa mass testing at city lockdown measures, ay nagbunsod din ng panic-buying — na umubos sa laman ng mga supermarket.
Kilala bilang “Asia’s World City,” ang Hong Kong ay nakapagtala rin ng exodus ng mga dayuhan at lokal na residente, kung saan ang net outflow ng higit 134,000 katao ay naitala nitong kalagitnaan ng Marso.