Flight routes ng Zamboanga International Airport, palalawakin pa
Palalawakin pa ng Zamboanga International Airport (ZIA), ang ruta ng kanilang mga biyahe at makakasama rito ang Southeast Asian destinations.
Ayon sa Dept. of Transportation (DOTr), ang mga planong ruta ng in-upgrade na paliparan ay kinabibilangan ng Zamboanga-Kuala Lumpur route, na inaprubahan ng counterpart ng Pilipinas sa Malaysia.
Sinabi ni DOTr Sec. Arthur Tugade, na handa na ang ZIA para sa international operations. Matagal na aniya iyong pinaghandaan.
Ang pahayag ay ginawa ng DOTr matapos i-anunsiyo ang natapos nang mga proyekto sa ZIA, na kinabinilangan ng Malasakit Hall at GAD Multipurpose Hall.
Pinalawak din ang Passenger Terminal Building, na ngayon ay kaya nang mag-accomodate ng hanggang 750 pasahero, na dati ay hanggang 500 lamang.
Ayon sa DOTr, nagsasagawa na rin ng pagkukumpuni, pag-aaspalto at strip grading sa runway.
Dagdag pa nito, ang development projects sa ZIA at Port of Zamboanga ay inaasahang magpapalakas sa air at maritime mobility and connectivity sa lalawigan, at magbibigay daan sa socio-economic growth hindi lamang sa Zamboanga kundi sa buong rehiyon ng Mindanao.