France, tinamaan ng matindi at mahabang heatwave, lubhang mataas na temperatura inaasahan

France, Plessis Robinson, 2023-08-21, empty street during the heat, Photograph by Magali Cohen / Hans Lucas / Magali Cohen / Hans Lucas / Hans Lucas via AFP

Milyun-milyong katao sa Europe ang dumaranas ngayon ng isang “late summer heatwave,” kung saan inaasahang mas tataas pa ang temperatura sa Rhone Valley region habang patuloy namang naglalagablab ang isang forest fire sa timog-silangang bahagi ng bansa.

Ang temperatura ay inaasahang titindi pa simula ngayong Martes hanggang bukas Miyerkoles sa katimugang bahagi ng bansa, kung saan umaabot na sa lampas 40 degrees Celcius o 104 degrees Fahrenheit ang naitala.

Dahil dito, sinabi ng health authorities na 50 sa 96 na lugar sa mainland France ang isinailalim na sa pangalawang pinakamataas na heat warning level, na ang iba rito ay inaasahang maisasa-ilalim pa sa maximum red category sa mga darating na araw.

Ayon sa Meteo France ng National Weather Service, posible pang may ilang record na mabasag laluna ngayong Martes sa Rhone Valley kung saan inaasahan ang temperaturang mula 40 – 42 degrees Celcius.

Dagdag pa nito, “The heatwave is ‘intense and long-lasting’ and ‘particularly late in the season,’ with a period of high pressure creating a ‘heat dome’ over the country.”

France, Paris, 2023-08-21, streets during the heat, blue sky, Photograph by Magali Cohen / Hans Lucas via AFP

Matapos ang isang matinding tag-araw na dumanas ng “record temperatures” at forest fires noong 2022, ang France ay nagkaroon ng karaniwang holiday period ngayong taon, at natakasan ang malubhang init na pumaso sa Europe nitong nakalipas na Hulyo.

Sinabi ng Meteo France, “The current high temperatures were the hottest of the season.”

Maraming tao ang nagtungo sa municipal swimming pools, fountains o sa beach para magpalamig.

Pagkatapos ng ilang linggong “dry weather,” ipinagbawal na ng mga lokal na awtoridad sa southern Gard area ng France na pumasok sa mga kagubatan dahil sa mataas na panganib ng mga sunog.

Ayon sa Association for the Prevention and Reporting of Forest Fires, humigit-kumulang sa 260 mga bumbero ang nakikipaglaban sa isang sunog malapit sa village ng Chanousse sa paanan ng Alps sa timog-silangan ng France.

Tinupok nito ang humigit-kumulang sa 120 ektarya ng kakayuhan, ayon sa mga lokal na awtoridad.

Sinabi naman ng power group na EDF, na nakasagabal din ang mataas na temperatura sa nakatakdang muling pagpapaandar sa isang nuclear power plant sa Golfech sa timog-kanluran ng France, at maaaring magresulta rin sa mga restriksiyon sa isang planta sa Bugey sa Ain area.

Partikular na apektado ng heatwave ang mga plantang nukleyar na nasa gilid ng ilog ng France, na sumisipsip sa tubig ng ilog para sa ‘cooling purposes’ bago ito i-discharge.

Napipilitan itong magbawas sa paggamit ng tubig sa panahon ng mainit na panahon, upang bantayan na huwag labis na uminit ang mga ilog, na maaaring makaapekto sa local ecosystems.

Ang pinakamataas na temperaturang naitala sa France ay 46C, na narehistro noong June 2018 sa Verargues village sa southern France.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *