Free Bisikleta program ng DOLE para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa covid 19 ilulunsad na
Sisimulan na ng Department of Labor and Employment o DOLE sa Lunes ang pamamahagi ng libreng bisikleta upang magamit pangkabuhayan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa DOLE ang Freebis o Free Bisikleta na nasa ilalim ng Integrated Livelihood Program ng kagawaran ay ilulunsad sa Maynila, Muntinlupa, Mandaluyong at Pasig sa National Capital Region, Isabela at Cagayan sa Region II; Pampanga sa Region III; Bacoor, Cavite sa Region IV-A; at Legazpi City, Albay sa Region V.
Sa National Capital Region, ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng bisikleta na magagamit bilang delivery riders ng partner companies na Grab at Lalamove.
Ang ibibigay na bicycle units sa NCR ay may kasama ng helmet, kapote, water bottle, thermal bag at Android mobile phone na may load na 5 libong piso para sa electronic payment application.
Nasa mahigit 320 benepisyaryo ang target mabigyan ng bisikleta sa simultaneous launching sa Metro Manila.
Umaasa naman si Labor Secretary Silvestre Bello III na maging ang iba pang pribadong kumpanya ay makikipagpartnership sa DOLE para mabigyan ng kabuhayan ang maraming kababayan nating nawalan ng trabaho.
Madz Moratillo