French Catholic Church, magbebenta ng assets para ipambayad sa sex abuse claims
Nagkasundo ang Catholic bishops sa France, na ipagbili ang bahagi ng real estate holdings ng simbahan upang ipambayad sa libu-libong mga biktima ng child sex abuse sa kamay ng mga pari.
Nakaranas ng matinding pressure ang mga opisyal ng simbahan upang kilalanin at bayaran ang mga biktima, matapos makumpirma sa isang makasaysayang imbestigasyon ang malawak na pang-aabusong seksuwal ng mga pari sa mga menor de edad mula pa noong 1950s
Ayon kay Eric de Moulins-Beaufort, head ng Bishops’ Conference of France (CEF) . . . “An independent commission will evaluate the claims, and we are going to provide the means to accomplish this mission of individual indemnities for the victims.”
Hindi naman nito idinetalye ang halagang ibabayad bilang tugon sa mapangwasak na pagsisiyasat sa malawakang pang-aabusong seksuwal na kalimitang inililihim.
Ang imbestigasyon na inilabas nitong nakaraang buwan, ang humimok sa simbahan na bayaran ang mga biktima sa pamamagitan ng sarili nitong mga ari-arian sa halip na humingi ng kontribusyon mula sa mga nagtutungo sa simbahan para sa krimeng mga pari ang may gawa.
Ayon pa.kay Moulins-Beaufort . . . “The Church had already promised to set up a fund to start making payouts next year, and it will now be bolstered by selling real estate assets owned by the Bishops’ Conference of France and by dioceses.”
Aniya, kung kakailanganin ay uutang din sa mga bangko, at hihilingin nila sa batikano na magpadala ng observer para tumulong sa pag-eksamen sa pagtugon ng simbahan.
Dagdag pa nito . . . “Our Church cannot be an institution entrenched in its own self-glory.”
Nakadetalye sa 2,500 pahinang report ang pag-abuso ng mga pari sa 216,000 mga menor-de-edad sa loob ng nabanggit na panahon.
Ang bilang ay umakyat pa sa 330,000 nang maisama rito ang claims ng mga miyembro ng simbahan, gaya ng mga guro sa Catholic schools.
Tinuligsa ng pangulo ng komisyon ang sistematikong karakter ng pagsisikap na protektahan ang kleriko mula sa pag-uusig, at naglabas ng 45 rekomendasyon ng mga hakbang sa pagwawasto.
Matapos ang pulong ng 120 miyembro ng CEF sa Lourdes, pinaboran ng mga obispo ang karamihan sa mga rekomendssyon kabilang ang sistematikong police background checks para sa sinumang church associate na ang trabaho ay may kaugnayan sa mga menor-de-edad.
Siyam na working groups na bubuuin ng clergy, lay people at maging ng ilang biktima ang itatatag para ipatupad ang mga panuntunan. (AFP)