Fuel subsidy para sa mga pampublikong sasakyan inaprubahan na ng Comelec
Inaprubahan na ng Commission on Elections ang exemption sa election ban para sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga nasa pampublikong transportasyon.
Sa 2 pahinang memorandum na Comelec Chairman George Garcia, mahigpit ang bilin na sa implementasyon ng programa ay dapat matiyak na hindi ito makaka impluwensya sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kabilang sa sakop ng exemption sa election ban ay para sa fuel subsidy program, PUV service contracting program, at PUV modernization program sa kahilingan narin ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Batay sa Comelec resolution number 10944 ipinagbabawal ng poll body ang pagpapalabas at paggastos ng anumang pondo ng gobyerno sa ilalim ng omnibus election code kaugnay ng isasagawang Barangay at Sanguniang Kabataan Elections sa October 30 matapos ideklara ang election period.
Una rito, tiniyak ng Comelec na sa oras na matanggap ang request para sa exemption hindi aabutin ng 24 oras at agad itong aaprubahan ng poll body.
Layon ng fuel subsidy program ng gobyerno na tulungan ang mga drivers at operators ng mga pampublikong sasakyan sa epekto ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong Petrolyo sa bansa.
Madelyn Moratillo