Full implementation ng price cap sa gamot, sinimulan nang ipatupad

Photo: Department of Health Philippines FB page

Sinimulan na ng Department of Health (DOH), ang full implementation ng price cap sa mga gamot batay sa Executive Order (EO) 155, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na naragdagan na ang mga gamot na may maximum retail price sa 121 molecules o 204 formulations.

Matatandaan na ang unang bugso ng price regulation ay ipinatupad noong Hunyo 2020, na ang sakop ay ang nasa 84 molecules.

Saklaw ng EO 155 ang mga pangunahing gamot sa bansa laban sa high blood, diabetes, high cholesterol, asthma, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at iba’t-ibang uri ng kanser.

Kabilang din ang espesyal na mga gamot sa ‘chronic kidney disease, organ transplantation, thalassemia, psoriasis, rheumatoid arthritis, at lupus.

Ang Maximum Drug Retail Price (MDRP) ang pinakamataas na presyo ng gamot na maaaring singilin ng retailers sa mga consumer, kaya posibleng bumaba ng 40% ang halaga ng gamot na maaaring umabot ng hanggang 93% sa ilang piling uri ng gamot.

Bukod sa MDRP, may special discount pa rin ang senior citizens at persons-with-disability (PWDs).

Ang hindi susunod dito ay maaaring patawan ng parusang administratibo at pagmultahin ng P50,000 hanggang P5 milyon, alinsunod sa itinatadhana ng Republic Act 9502 o ang Cheaper Medicines Act.

End

Please follow and like us: