Fully vaccinated sa CALABARZON, umabot na sa halos 47,000
Kabuuang 46,748 indibidwal mula sa A1 hanggang A3 priority groups sa CALABARZON ang nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ay batay sa pinakahuling datos mula sa COVID-19 Vaccination Data Management Unit ng DOH CALABARZON.
Umaabot naman sa 240,538 ang naturukan ng unang dose ng anti- COVID vaccines sa rehiyon kabilang na ang 12 mula sa A4 list o mga essential frontline workers.
Ayon sa DOH Center for Health Development- CALABARZON, 443,260 ang kabuuang alokasyon ng COVID vaccines ang natanggap na ng rehiyon.
Mula sa nasabing bilang ay 98.9% o katumbas ng 438,166 doses ang naipamahagi na sa 344 vaccination sites sa rehiyon.
Nasa 5,000 na lang din ang nalalabing doses ng bakuna sa Region IV-A.
Sa ngayon ay CoronaVac at AstraZeneca pa lamang na mga brand ng bakuna ang natatanggap ng CALABARZON.
Moira Encina