G7 ministers magpupulong kaugnay ng pagkalat ng bagong Covid strain
Magsasagawa ng emergency meeting ngayong Lunes ang G7 health ministers, kaugnay ng bagong Omicron Covid-19 strain na kumakalat na sa buong mundo at naging sanhi ng puwersahang pagsasara ng mga border, habang nagkukumahog ang mga eksperto na unawain ang kahulugan ng nasabing variant sa paglaban ng mundo sa pandemya.
Ang pulong ay ipinatawag ng Britanya, chair ng G7 na kabilang sa dumarami nang mga bansang nakaka-detect ng bagong strain.
Ang Omicron na unang nadiskubre sa southern Africa, ay kumakatawan sa panibagong hamon sa pandaigdigang pagsisikap na labanan ang pandemya. May ilang bansa na muli nang nagpatupad ng mga restriksiyon.
Ayon kay European Commission chief Ursula von der Leyen . . . “We know we are now in a race against time. Vaccine manufacturers needed two to three weeks to get a full picture of the quality of the mutations.”
Mahaba na ang talaan ng mga bansang nagpatupad na ng travel restrictions sa southern Africa, kabilang na ang itinuturing na pangunahing travel hub, ang Qatar, maging ang Estados Unidos, Britanya, Indonesia, Saudi Arabia, Kuwait, at Netherlands.
Ang Angola ang unang southern African country na nagsuspinde ng lahat ng flights mula sa kanilang kapitbahay na Mozambique, Namibia at South Africa.
Nitong Linggo ay nanawagan si South African President Cyril Ramaphosa sa mga bansa na alisin ang travel ban, bago pa ito magdulot ng kasiraan sa mga ekonomiya.
Inakusahan naman ni Malawi President Lazarus Chakwera ang bansang kanluranin ng “Afrophobia” dahil sa pagsasara ng kanilang borders.
Ayon sa Dutch health authorities, natukoy nila ang hindi bababa sa 13 kaso ng Omicron sa kalipunan ng 61 quarantined passengers na nagpositibo sa coronavirus na nanggaling sa South Africa.
Inanunsiyo ng border police doon nitong Linggo, na inaresto nila ang isang couple sa eroplano sa Schiphol Airport matapos tumakas ng mga ito sa isang hotel kung saan kinu-quarantine ang mga pasahero.
Ngayong marami nang mga bansa sa Europa kasama na ang France at Germany na muling nagpatupad ng restriksiyon para mapigilan ang pagkalat ng bagong variant, matibay namang sinuportahan ng Swiss voters ang panukalang Covid pass law sa isang referendum nitong Linggo.
Sa Britanya, sinabi ni Health Secretary Sajid Javid na ang bagong Covid rules ay ipatutupad simula bukas, Martes kabilang na ang pagsusuot ng masksa mga shop at public transport sa England, at mas mahigpit na restriksiyon sa mga pasaherong darating galing abroad.
Habang sinusubukan ng mga siyentista na alamin ang lebel ng banta ng bagong strain, sinabi ng isang South African doctor na dose-dosena sa kaniyang mga pasyente na hinihinalang tinamaan ng Omicron variant, ay nagpakita ng mild symptoms lamang gaya ng fatigue.
Ayon kay Angelique Coetzee, chair ng South African Medical Association . . . “I had seen 30 patients over the past 10 days who tested positive for Covid-19 and who all fully recovered without hospitalisation.”
Sa briefing naman na isinagawa tungkol sa bagong variant kasama ni President Joe Biden nitong Linggo, sinabi ni Senior US government scientist Anthony Fauci na . . . “I continue to believe that existing vaccines are likely to provide a degree of protection against severe cases of Covid.”
Ayon sa mga siyentista sa South Africa, nitong nakalipas na linggo ay naka-detect sila ng bagong variant na maraming bilang ng mutations kumpara sa mga kaso ng mga naunang strain gaya ng Beta o Delta.
Ang prestihiyosong Bambino Gesu hospital sa Rome ang nakapag-produce ng unang “image” ng bagong strain at kinumpirma na mas marami itong mutations kaysa sa nakita sa Delta, ngunit ayon sa mga researcher hindi ito nangangahulugan na higit itong mapanganib. (AFP)