Gabriela Partylist nanawagang madaliin na ang pagpapasa sa Bill na nagbabawal sa pagtatalaga ng mga dating sundalo at pulis sa mga executive position
Nanawagan ang Gabriela Partylist sa liderato ng Kamara na agad aksyunan sa pagbabalik ng sesyon ang kanilang panukalang nagbabawal sa pagtatalaga ng mga dating sundalo at pulis sa mga executive position.
Sinabi ni Rep. Arlene Brosas na sa unang taon pa lamang sa pwesto ni Pangulong Duterte ay limamput siyam ng retiradong opisyal ng militar at ng PNP ang naipwesto sa gabinete at ibang mahahalagang posisyon sa gobyerno.
Naniniwala silang dapat nang mahinto ang pattern na ito dahil ang mga galing sa AFP at PNP ay walang interes sa socio-economic reforms na dapat tutukan ng pamahalaan.
Ang mga opisyal na retiradong sundalo ay hindi rin nakatutulong sa pagsulong ng peace initiative ng administrasyon dahil ang mga ito ay saboteurs ng negosasyong pangkapayapaan.
Isinulong ng Gabriela ang House Bill 5712 para hindi mapuno ng mga retirado sa AFP at PNP partikular ang mga sensitibong posisyon sa pamahalaan.
Layunin ng panukalang ito na palakasin ang civilian authority sa gobyerno.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo