Galapagos islands na itinuturing na isang bird paradise, tinamaan ng avian flu
Inihayag ng Galapagos National Park na naka-detect ito ng unang mga kaso ng avian flu sa liblib na isla, na tahanan ng mga kakaibang species ng mga ibon.
Tatlong positibong kaso ng H5N1 virus ang na-detect makaraan ang mga ulat tungkol sa mga ibong maysakit sa isla.
Ang Galapagos archilepago ay paraiso ng mga bird-watcher na kinaroroonan ng maraming kakaiba at makukulay na species ng ibon, gaya ng blue-footed booby, endemic penguins, cormorants at mga albatross.
Ang teorya ng ebolusyon ay nabuo ng English naturalist na si Charles Darwin, pagkatapos niyang pag-aralan ang mga finch at mockingbirds sa Galapagos islands noong 1835.
Ayon sa environment ministry, ang isla na 1,000 kilometro (621 milya) mula sa baybayin ng Ecuador, ay tahanan ng “78 species ng native at endemic na mga ibon.”
Noong Disyembre ay sinabi ng Ecuadoran authorities na naglagay sila ng isang monitoring system sa Galapagos matapos na umabot sa South Africa ang global bird flu outbreak.
Ang H5N1 ay tipikal na isang seasonal outbreak, ngunit simula noong 2021 ang mga kaso ay lumitaw sa buong taon, at sa magkabilang panig ng mundo, na ayon sa mga eksperto ay siyang pinakamalaking outbreak na nangyari.
Wala pang gamot para sa bird flu, na natural na kumakalat sa pagitan ng wild birds at maaari ring makahawa sa domestic poultry.
Hindi karaniwang dumadapo sa mga tao ang Avian influenza viruses, bagama’t may ilang bihirang mga kaso, kabilang na ang isang siyam na taong gulang na batang babae sa Ecuador na nagkaroon nito noong Enero.
Naapektuhan ng outbreak ang ilang mammal species, gaya ng farmed minks, mga pusa, at sea lions, at noong Hulyo ay nagbabala ang World Health Organization na maaaring maging sanhi ito upang mas madali nang makapitan ang mga tao.