Gaza-Egypt border muling binuksan para sa mga lilikas
Sinabi ng Hamas government at isang Egyptian official, na muli nang binuksan nitong Lunes ang Rafah crossing sa pagitan ng Gaza Strip at Egypt upang bigyang-daan ang paglikas ng mga dayuhan, dual nationals at sugatang Palestinians.
Ang terminal ay tatlong araw na binuksan noong Miyerkoles, Huwebes at Biyernes ng nakalipas na linggo upang bigyang-daan ang dose-dosenang sugatang Palestinians at daan-daang foreign passport holders na makatawid bago ito muling isinara noong Sabado at Linggo.
Ayon sa sources sa loob ng Hamas government, muling binuksan ang crossing matapos ang kasunduan sa Israel na sinirugado sa pamamagitan ng Egypt upang payagan ang paglikas ng 30 sugatang indibidwal.
Anim na mga ambulansiya ang dumating sa Egyptian side ng crossing nitong Lunes lulan ang sugatang Palestinians, upang dalhin sa mga pagamutan ayon sa isang border official.
Dagdag pa ng Egyptian official, ang mga ambulansiya ay sinundan ng unang grupo ng dual nationals.
Noong Linggo ay inanunsiyo ng White House, na mahigit sa 300 Amerikano, US residents at kanilang mga pamilya ang nailikas na mula sa Gaza Strip.
Sinabi naman ng UK government, na humigit-kumulang 100 British nationals ang nakalabas na rin sa Gaza Strip sa pamamagitan ng Rafah crossing.
Ayon sa Egypt, tutulong ito sa paglikas ng humigit-kumulang 7,000 mga dayuhan sa pamamagitan ng pagtawid sa crossing.
Volunteers and NGOs staff celebrate after unloading aid supplies and returning to Egyptian side of border on October 21, 2023 in North Sinai, Egypt. The aid convoy, organized by a group of Egyptian NGOs, set off Saturday 14th October from Cairo for the Gaza-Egypt border crossing at Rafah. (Photo by Mahmoud Khaled/Getty Images) Mahmoud Khaled / GETTY IMAGES EUROPE / Getty Images via AFP
Ang dalawang araw na pagsasara ng Rafah ay naganap matapos matamaan ng Israeli strikes ang mga ambulansya na patungo sa hangganan, ayon sa Palestinian Red Crescent at ng health ministry na pinatatakbo ng Hamas.
Sinabi ni Egyptian Health Minister Khaled Abdel Ghaffar, “Cairo was shocked that the ambulances were targeted while carrying wounded children… and women.”
Ayon naman sa militar ng Israel, tinarget nila ang isang ambulansiya na ginagamit ng isang “Hamas terrorist cell.”
Nitong Lunes ay sinabi ng health ministry sa Hamas-run Gaza Strip, na ang bilang ng mga namatay mula sa pag-atake ng Israel sa Palestinian territory ay lumampas na sa 10,000.
Pinaigting ng mga puwersang Israeli ang kanilang ground offensive sa Caza bilang bahagi ng tugon ng militar sa mga pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7 na sinasabi ng mga opisyal na ikinasawi ng 1,400 katao, karamihan ay mga sibilyan, at may higit sa 240 katao rin ang binihag.