General Manager ng Warriors, nagbitiw na
Nagbitiw na ang general manager ng Golden State Warriors na si Bob Myers, na gumanap ng mahalagang papel sa tagumpay ng koponan sa nakalipas na dekada.
Kinumpirma ni Myers na aalis na siya sa Warriors sa sandaling magpaso na ang kasalukuyan niyang kontrata, sa huling bahagi ng Hunyo, at sinabing, “It’s just time.”
Ang 48-anyos na front office executive ay kinuha bilang assistant general manager ng Golden State noong 2011 at na-promote bilang general manager nang sumunod na taon.
Sa loob ng 11 seasons bilang general manager, ang Warriors ay nagwagi ng apat na NBA championships sa anim na NBA Finals.
Si Myers ay nakita bilang isang mahalagang bahagi ng tagumpay ng Warriors, na tumulong na mapanatili ang core ng playing staff na naging batayan ng mga koponan na nagwagi ng kampeonato, ito ay sina Stephen Curry, Draymond Green at Klay Thompson.
Sa kaniyang pagsasalita sa unang bahagi ng Mayo, pagkatapos ng playoff exit ng Warriors sa Los Angeles Lakers, sinabi ni Warriors coach Steve Kerr na umaasa siyang mananatili sa team si Myers.
Ayon kay Kerr, “Bob and I have a great friendship, a great working relationship, and I absolutely hope he comes back.”
Dagdag pa niya, “But it’s also a case where I want what’s best for Bob, and if he decides that he’s going to leave, of course, I’m going to support him 100 percent, and we will remain friends for a long time. I would miss him, but I support him regardless of what he does.”