Geriane, nagtakda ng bagong Philippine record sa pagkapanalo ng silver sa SEA Games swimming event
Nasungkit ng Philippine swimmer na si Jessica Geriane ang silver medal sa kaniyang record-breaking performance sa women’s 50m backstroke, sa 31st Southeast Asian Games sa My Dinh Water Sports Palace nitong Linggo.
Si Geriane, na pangalawa pa lamang sa nakakuha ng medalya sa swimming event sa Hanoi, Vietnamay natapos sa record na 29.35 seconds.
Subali’t sa preliminaries gumawa ng bagong Philippine swimming record si Geriane nang makapagrehistro ng 29.38 seconds, para basagin ang unang record ni Jasmine Alkhaldi na 29.53.
Ang pilak na medalya ni Geriane ay karagdagan sa tansong medalyang nakuha ni Miranda Renner noong Sabado para sa women’s 100m freestyle.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, ang Pilipinas ay pangatlo na sa medal standing, kung saan mayroon na tayong kabuuang 90 medalya na ang 20 rito ay ginto, 28 ang pilak at 42 ang tanso.
Target ngayon ng Pilipinas na makuha ang ikalawang puwesto sa medal standing. Namamalagi namang nangunguna ang host country na Vietnam.