Germany, planong muling magpatupad ng work-form-home measure
Pinaghahandaan na ng Germany ang muling pagbabalik sa “work-from-home” sa ilalim ng isang draft legislation.
Ang muling pagpapatupad sa nasabing panuntunan na inalis na noong magsimula ang Hulyo, ay dahil sa nahaharap ang Germany sa lumalawak na fourth wave ng virus.
Simula sa kalagitnaan ng Oktubre, ay bumilis ang pagdami ng infections at pagkamatay, kaugnay ng isang outbreak na isinisisi sa vaccination rate ng bansa na higit 67% pa lang at malaking bilang pa ng populasyon ang lantad sa pagkahawa at pagkakasakit ng malubha.
Ayon sa Robert Koch Institute (RKI) health agency, sa 289 kaso kada 100,000 katao, ang naitalang insidente ng coronavirus ay umabot na sa pinakabagong mataas na bilang sa pinakamataong lugar sa Europa.
Sa ilalim ng draft plan, ang mga empleyado sa Germany ay mapipilitang magtrabaho sa bahay o work-from-home, kung hindi rin lang lubhang kailangan na magtungo sa opisina.
Ayon kay Saxony state premier Michael Kretschmer . . .”The coming wave will overshadow all the previous waves.”
Sinumang papasok sa trabaho ay hihingan din ng pruweba na sila ay protektado na laban sa virus o nag-negatibo sa test.
Plano na rin ng German government na limitahan ang access sa ilang events para sa kapwa bakunado na o gumaling mula sa sakit at makapagpapakita ng negative test.
Ang mga bagong panuntunan ay ginagawa na sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga partido na nagnanais na magkaroon ng bagong German government, na kinabibilangan ng Social Democrats, Greens at liberal FDP.
Ang joint legislation ay ipiprisinta sa Bundestag, ang lower house ng German parliament, para aprubahan sa Huwebes bago lagdaan ng upper house sa Biyernes. (AFP)