Ghost beneficiaries sa Senior High School voucher program ng DepEd, iimbestigahan ng kamara

Hiniling ni Assistant Majority leader Congressman Jill Bongalon sa House Committee on Basic Education and Culture at House Committee on Good Government and Public Accountability, na magsagawa ng Joint Moto Propio investigation kaugnay sa umano’y mga ghost beneficiary sa Senior High School voucher program ng Department of Education o DepEd.

Sinabi ni Bongalon na kailangang umaksiyon ang kongreso sa pag-aabuso sa pondo ng DepEd para sa mga kapuspalad na estudyante, na pinakikinabangan lamang ng mga korap na opisyal ng DepEd kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng mga pribadong paaralan simula pa noong 2016.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na milyun-milyong pisong pondo mula sa education program ang napupunta sa mga pekeng benepisyaryo, na sumasalungat sa layunin ng Senior High School Voucher program na naglalayong maibsan ang pagsisikip sa mga pampublikon paaralan sa bansa at matulungan ang mga lehitimong mahihirap na estudyante.
Niliwanag ng mambabatas na ang Senior High School program ay magandang programa kaya anumang depekto sa pagpapatupad nito ay kailangang ituwid para hindi mawalan ng oportunidad ang mga kuwalipikadong mag-aaral na dapat sila ang makinabang.
Vic Somintac