Giga vaccination site sa Pasay City, binuksan na
Bukas na ang Giga COVID-19 Vaccination Center sa isang mall sa Pasay City.
Ito ang isa sa mga pinakamalaking vaccination site sa bansa.
Kasama sa nagpasinaya sa pasilidad sina Health Sec. Francisco Duque III, Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., at Pasay City Mayor Emi Calixto- Rubiano.
Ayon sa alkalde, hindi bababa sa 2,000 katao ang pwedeng mabakunahan sa loob ng isang araw sa giga vaccination site.
Pangunahin sa mga binakunahan sa bagong vaccination hub ay ang mga senior citizen at ang iba pang may comorbidities sa Pasay.
Tuluy-tuloy aniya ang operasyon sa vaccination site hanggang sa may suplay ng bakuna kontra COVID ang lungsod.
Sinabi pa ni Rubiano na ang pagbubukas ng giga vaccination center ay bilang paghahanda na rin sa pagdating ng mas maraming anti- COVID vaccines sa bansa.
May 10 iba pang lugar aniya ang lungsod na pagsasagawaan ng pagbabakuna sa oras na dumating ang bulto ng mga bakuna.
Sa ngayon aniya ay ang CoronaVac at AstraZeneca pa lang ang bakuna na mayroon ang Pasay.
Pero, inaasahan ng mayor na mabibigyan ang lungsod ng suplay ng Moderna vaccines.
Inihayag pa ni Rubiano na plano rin ng Pasay LGU na magkaroon ng drive-thru na COVID vaccination sa lungsod bilang pagpapaigting sa mass vaccination program.
Ang giga vaccination center ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng LGU at pribadong establisyimento sa lungsod.
Ikinalugod ni Rubiano ang partnership sa pagitan ng pribadong sektor at gobyerno dahil sa mas lalakas ang immunization program at ang laban sa COVID-19.
Moira Encina