Giyera sa Gaza tuloy pa rin sa kabila ng UN ceasefire resolution
Sinagupa ng Israeli troops ang Hamas militants sa Gaza Strip at walang senyales nang pagtigil sa giyera, sa kabila ng isang UN Security Council resolution na humihingi ng “agarang ceasefire.”
Pitompung katao ang namatay nitong Martes, ayon sa health ministry ng Hamas, kabilang ang 13 an namatay sa mga air strike ng Israeli sa paligid ng south Gazan city ng Rafah, na isang mahalagang flashpoint sa digmaan.
Ang resolusyon ay pinagtibay noong Lunes matapos mag-abstain ng Estados Unidos,.ang pinakamalapit na kaalyado ng Israel.
Hinihingi nito ang isang “immediate ceasefire” para sa Ramadan, patungo sa isang “pangmatagalang” kasunduan sa pansamantalang pagtigil ng labanan.
US Ambassador to the UN Linda Thomas-Greenfield votes to abstain on the Security Council resolution calling for an immediate ceasefire/ANGELA WEISS / AFP
Hinihiling din nito na palayain ng Hamas at iba pang mga militante ang mga hostage na kinuha nila sa sorpresang pag-atake noong Oktubre 7 sa Israel, kahit na hindi nito direktang iniuugnay ang pagpapalaya sa isang kasunduan sa pagtigl ng labanan.
Matapos ang botohan, pinangunahan ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang mga panawagan para maipatupad ang resolusyon.
Ayon kay Guterres, “Failure would be unforgivable.”
Galit ang reaksyon ng Israel sa abstention ng US, dahil pinahintulutan nitong matuloy ang resolusyon kasama ang lahat ng iba pang 14 na miyembro ng Security Council na bumoto ng oo.
Ang naturang resolusyon ang una mula nang sumiklab ang digmaan sa Gaza, na humihiling ng agarang paghinto sa labanan.
Iginiit ng Washington na ang abstention nito, na kasunod ng maraming pag-veto, ay hindi nangangahulugan ng pagbabago sa patakaran.
Dahil sa galit sa ginawang pag-abstain ng Estados Unidos, kinansela ng Israel ang pagbisita ng isang delegasyon sa Washington.
UN vehicles drive past buildings destroyed by previous Israeli strikes Gaza City © – / AFP
Ayon sa Israel, “The abstention ‘hurts’ both our war effort and attempts to release hostages,” habang inilarawan naman ito ng tanggapan ni Netanyahu na “a clear retreat from the consistent position of the US.”
Malugod namang tinanggap ng Hamas ang resolusyon ng Security Council at muling pinagtibay ang kahandaan nitong makipag-negosasyon para sa pagpapalaya ng mga bihag kapalit ng mga bilanggong Palestinian na hawak ng Israel.
Sa isang pahayag, ay inakusahan ng isang militanteng grupo ang Israel ng paghadlang sa pinakahuling round ng pag-uusap na pinangunahan ng Qatar na siyang mediator nito.
Sinabi ng Hamas, “Prime Minister Benjamin and his cabinet were ‘entirely responsible for the failure of negotiation efforts’ and for preventing an agreement from being reached up until now.”
Patuloy na ipinagtatanggol ng Israel ang kampanya nito sa kabila ng pagdami ng mga bansang pumupuna sa ginagawi nito. Samantala, wala pa ring tigil ang labanan sa ground.
Sa Rafah, sinabi ng mga saksi na sinalakay ng Israeli jet ang lungsod nitong Martes.
Gayunman, bagama’t ang Rafah, gaya ng iba pang mga lugar sa paligid ng Gaza Strip, ay malimit na dumaranas ng Israeli strikes, ito lamang ang tanging teritoryo na hindi pa pinadadalhan ng Israel ng ground troops.
Nasa border ito ng Egypt, at 1.5 milyong Palestinians na tumatakas sa ibang lugar na under attack ang nagtutungo rito.
Ang determinasyon ni Netanyahu na maglunsad ng isang ground operation sa Rafah, ang lungsod sa katimugang hangganan ng Gaza kung saan ang karamihan sa populasyon ng teritoryo ay nagkakanlong, ay naging isang malaking punto ng pagtatalo sa pagitan ng Israel at ng Estados Unidos.
Sa Rafah, malugod na tinanggap ng Palestinians ang UN vote at nanawagan sa Estados Unidos na gamitin ang kanilang impluwensiya sa Israel upang magkaroon na ng isang ceasefire.
Palestinian Hoda al-Arouqi, 75, injured during Israeli bombardment, inspects the damage to her home in Rafah / SAID KHATIB / AFP
Tinawag ng Israel ang kanilang mga operasyon na “precise operational activities” at sinabing nag-iingat ito upang maiwasan ang pinsala sa mga sibilyan, ngunit nagpahayag ng pagkabahala ang aid agencies tungkol sa non-combatants na naiipit sa labanan.
Sa ibang lugar sa Gaza Strip, sinabi ng militar ng Israel noong Lunes na nakipaglaban ito sa mga militante sa paligid ng dalawang ospital, at iniulat na nakapatay ng humigit-kumulang 20 fighters sa paligid ng Al-Amal, bilang tugon sa malapitang labanan at air strikes noong nakaraang araw.
Sinabi ng Israeli military na nasa 500 militante ang kanilang idinitini “na may kaugnayan” sa Hamas at Islamic Jihad, isa pang militanteng grupo, sa panahon ng kanilang operasyon sa Al-Shifa.
Ang labanan ay nangyari habang sinasabi ng isang independent UN-appointed expert na si Francesca Albanese, “there were reasonable grounds to believe that Israel’s actions in Gaza had met threshold for acts of genocide.”
Itinanggi ng Israel ang ulat ni Albanese, na nakatakdang iharap sa Human Rights Council ng UN, at sinabing iyon ay “obscene inversion of reality.”