Gobyerno at religious communities, nanawagan sa publiko na makiisa sa May 30 National Day of Prayer
Hinimok ng Office of the Presidential Adviser for Religious Affairs (OPARA) at ng iba’t ibang religious groups sa bansa ang buong sambayanang Pilipino na makiisa sa National Day of Prayer sa Linggo, Mayo 30.
Isasagawa ang virtual interfaith prayer meeting sa ganap na 3:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon sa Malacañang sa Linggo.
Mapapanood ito sa government televison station at iba pang networks, at livestreaming sa iba’t ibang social media platforms.
Ayon sa OPARA at religious communities, mahalaga ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Whole Nation Pray As One, Heal As One upang magkaisang manalagin at humingi ng tulong sa Diyos ang buong bansa na malagpasan ang epekto ng pandemya.
Layon anila ng National Day of Prayer ang kagalingan ng bansa mula sa COVID-19, panunumbalik ng sigla sa kabuhayan, at pagkakaroon ng kapayapaan at kaligtasan ng pamumubay sa buong bansa.
Binigyang- diin ng organizers na bukas para sa lahat ng Pilipino ang sama-samang panalangin maging sa mga miyembro ng oposisyon.
Wala anilang pinipiling sekta ng relihiyon at political affiliation ang itinakdang National Day of Prayer.
Inimbitahan sa aktibidad ang mga opisyal sa lahat ng sangay ng pamahalaan at maging ang mga LGUs.
Kabilang na rito ang mga mahistrado ng Korte Suprema at mga lider sa lehislatura.
Gayundin, ang iba pang sektor ng lipunan at ahensya ng gobyerno gaya ng PNP at AFP.
Moira Encina