Gobyerno, hindi nagkulang sa Biosurveillance laban sa mga variant ng Covid-19
Hindi nagkulang ang Gobyerno pagdating sa pagpapatupad ng Biosurveillance kasunod ng mga natuklasang Variant ng Covid 19.
Ito ang iginiit ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kasunod ng ilang pahayag na ang mabagal na paglabas ng resulta ng Genome Sequencing at pagtugon sa variants ang isa sa naging dahilan ng pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa.
Paliwanag ni Vergeire, simulang i-anunsyo ng United Kingdom ang bagong variant na ito noong Disyembre ay pinalakas at pinalawak na nila ang kanilang genome sequencing simula nitong Enero.
Noong una ay tumutok aniya sila sa mga sample mula sa incoming travelers mula sa mga bansang may kaso na ng UK variant.
Maging mga sample mula Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon ay isinailalim rin sa sequencing.
Nilinaw pa ng opisyal na may turnaround time sa pagitan ng testing, sequencing at release ng whole genome sequencing results. Hindi rin aniya lahat ng sample ay isinasailalim sa sequencing dahil kailangang mababa ang CT threshold nito.
Dagdag pa ni Vergeire, maaaring nakadagdag ang mga Variant na ito sa pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa pero nakadepende rin ito sa kung pano sinusunod ng publiko ang minimum public health standards kontra Covid- 19.
Madz Moratillo