Gobyerno, hinimok ng isang korte sa India na magdeklara ng national emergency kaugnay ng heatwaves
Hinimok ng isang korte sa India ang gobyerno na magdeklara ng isang national emergency kaugnay ng dinaranas na heatwave sa bansa, sa pagsasabing daan-daang katao na ang namatay sa ilang linggo nang ‘extreme weather.’
Ang India ay dumaranas ngayon ng heatwave na ang temperatura sa ilang mga siyudad ay higit sa 45 degrees Celsius (113 degrees Fahrenheit).
Ayon sa mataas na hukuman sa western state ng Rajasthan, na kabilang sa dumanas ng ilan sa pinakamaiinit na panahon nitong nakalipas na mga araw, nabigo ang mga awtoridad na gumawa ng angkop na mga hakbang upang protektahan ang publiko mula sa init.
Pahayag ng korte, “Due to extreme weather conditions in the form of (the) heatwave, hundreds of people have lost their lives this month. We do not have a planet B which we can move onto… If we do not take strict action now, we will lose the chance of seeing out future generations flourish forever.”
Inatasan ng korte ang state government na mag-set up ng compensation funds para sa mga kaanak ng sinumang taong namatay bilang resulta ng ‘heat ailments.’
Banggit ang kasalukuyang heatwave at katulad pang mga kaganapan sa hinaharap, sinabi pa ng korte na dapat ay simulan na ng India na ideklara ito bilang “national calamities.”
Sa pamamagitan nito ay mapahihintulutan na magamit ang emergency relief na kagaya ng kung may mga baha, mga bagyo at natural na mga sakuna.
Hindi na bago sa India ang nakapapasong temperatura ng tag-init, ngunit natuklasan sa mga taon ng siyentipikong pananaliksik na ang pagbabago ng klima ay nagiging sanhi upang ang heatwaves ay maging mas matagal, mas madalas at mas matindi.
Nang tumaas ang mga temperatura sa New Delhi na kapitolyo ng India, ang konsumo sa kuryente sa siyudad na kinaroroonan ng tinatayang 30 milyong katao ay tumaas din sa record high nitong Miyerkoles.
Sinasabi ng mga mananaliksik na ang pagbabago ng klima na gawa ng tao, ay nagdulot ng mapangwasak na epekto ng init sa India at dapat isaalang-alang bilang babala.
Ang pinakamataong bansa sa mundo ang ikatlong ‘biggest greenhouse emitter,’ ngunit nangako itong aabutin ang isang net zero emissions economy pagdating ng 2070, dalawang dekada pagkatapos ng industriyalisadong Kanluran.
Sa ngayon ay malawakan itong umaasa sa coal o uling para sa kanilang power generation.
Ayon sa gobyerno ni Prime Minister Narendra Modi, na naghahangad ng ikatlong termino sa nagpapatuloy na halalan, ang fossil fuel ang namamalaging sentro upang maabot ng India ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya at mai-angat sa kahirapan ang milyun-milyong katao.